Special polls sa ilang probinsiya
MANILA, Philippines - Magdaraos ng special elections ang Commission on Elections sa ilang lalawigan sa bansa kasunod ng deklarasyon ng failure of elections at naantalang halalan doon.
Ayon kay Comelec Commissioner Lucenito Tagle, isasagawa ang special elections sa pitong bayan ng Lanao del Sur, dalawang barangay sa Basilan, at tig-isang barangay sa Guimbal, Iloilo at Pagsangjan, Western Samar.
Sinabi ni Tagle na wala pa silang schedule para rito, pero alinsunod aniya sa batas, dapat itong isagawa sa loob ng 30 araw matapos ang regular na halalan.
Inirekomenda sa Comelec ang pagdedeklara ng failure of elections sa mga bayan ng Lumba Bayabao, Lumbaca Unayan, Marogong, Masiu, Sultan Dumalondong, Tubaran at Bayang, sa Lanao del Sur; at sa mga barangay Upper at Lower Mahaybahay sa Maluso, Basilan.
Sa Lanao del Sur at Basilan ay nagkaroon ng harassment at hindi sumipot ang mga Board of Elections Inspectors (BEIs) sa mismong araw ng eleksyon, kaya’t walang naganap na eleksyon.
Nagkapalit naman ang mga balota sa Barangay Generosa sa Guimbal, Iloilo at sa Barangay Buenas Aires sa Pangsangjan sa Western Samar kaya’t nagdeklara ng failure of elections.
Sinabi ni Tagle na magiging automated din ang special elections na isasagawa sa mga naturang lugar.
- Latest
- Trending