MANILA, Philippines - Dinala na kamakalawa ng gabi sa Senado ang kontobersiyal na 60 precinct count optical scan (PCOS) machines mula sa Ynares Center sa Antipolo City.
Ang mga nasabing PCOS machines ang napaulat na natagpuan sa tahanan ni Felipe de Leon na isang technician ng Smartmatic sa Antipolo City.
Nauna rito, nag-akusa ang mga natalong presidential candidates na sina Sen. Jamby Madrigal, Olongapo Councilor John Carlos de los Reyes at Nicanor Perlas na nagkaroon ng dayaan sa automated elections at ang mga nasabing PCOS machines ay maaring magamit na ebidensiya.
Ang tatlong nabanggit na presidentiables ay sumama sa paghahatid ng PCOS machines sa Senado.
Kasalukuyang nakalagak ang mga nasabing PCOS machines sa Claro M. Recto Room na nasa ikalawang palapag ng Senado.
Matatandaan na napaulat na iniuwi umano ng technician na si de Leon ang mga PCOS machines sa kanilang tahanan upang mapangalagaan nang tanggihan ito ng Comelec sa Antipolo.