MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na hindi matutulad sa kanyang inang si dating Pangulong Corazon Aquino na dumanas ng pitong bigong kudeta ang administrasyon ni Sen. Noynoy Aquino.
Sinabi ni AFP Deputy Chief of Staff for Operations (J3) Major Gen. Gaudencio Pangilinan na matatag ang institusyon ng AFP sa ilalim ng kasalukuyang liderato para masangkot sa anumang pag-aaklas o ‘military adventurism’.
Binigyang diin ni Pangilinan na inirerespeto ng AFP ang bagong lider ng bansa na piniling iluklok ng taumbayan at kanila itong poprotektahan alinsunod sa mandato ng Konstitusyon.
Wala rin itong nakikitang banta ng anumang grupo kabilang ang mga rebelde sa pag-upo ng bagong Pangulo ng bansa.
Si Noynoy ay inaasahang ipoproklama sa darating na Hunyo 30 sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Gloria Arroyo.
Samantala, pinaghahandaan na rin ng AFP ang testimonial parade o departure honor para kay Pangulong Arroyo. Posibleng isagawa ang departure honor ilang araw bago ang proklamasyon ng bagong Pangulo.