MANILA, Philippines - Kahit pa napipintong mabakante ang pwesto ni presidential race front runner Sen. Noynoy Aquino sa Senado ay hindi pa rin umano maaaring mag-proklama ng 13 senador mula sa katatapos na May 2010 senatorial race ang Commission on Elections.
Ayon kay Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal, 12 pa lamang ang bakanteng pwesto sa Senado nang isagawa ang halalan, kaya’t ito lamang ang maaari nilang iproklama, alinsunod sa isinasaad ng batas.
Sinabi ni Larrazabal na dahil hindi pa naman naipu-proklama si Aquino bilang bagong pangulo ng bansa kaya’t nangangahulugan lamang na wala pang puwesto na bakante sa Senado.
“Right now, we really don’t have a vacancy in the Senate. Senator Aquino is still a senator since he has not yet been proclaimed as the new president,” paliwanag pa ni Larrazabal.
Matatandaang noong nakalipas na 2001 senatorial elections ay 13 senador ang naiproklama sa halalan matapos na i-appoint ni Pangulong Gloria Arroyo si dating senador Teofisto Guingona bilang kaniyang bise presidente.
Si Rep. Ana Theresia Hontiveros-Baraquel ang nasa ika-13 pwesto sa senatorial race.
Nagpahayag na rin ang kampo nito na pinag-aaralan nila kung maaari pa rin siyang makapwesto sa Senado dahil sa nakatakdang pagproklama kay Aquino bilang bagong pangulo ng bansa.