MANILA, Philippines - Hinamon ng environment groups si incoming President Noynoy Aquino na rebisahin ang mga kontrobersyal na proyekto ni Pangulong Gloria Arroyo na maaring magdulot ng environmental disaster tulad ng expansion ng Caticlan airport sa Aklan.
Sa isang press conference sa Quezon City, sinabi ni Roger Birosel, secretary general ng environmental group na Earthsavers Movement, dapat masusing pag-aralan ang P2.5 bilyon rehabilitasyon ng airport para gawing international dahil masisira ang coral at mayabong na kabundukan doon gayundin ang beach zone ng bantog na Boracay beach.
Nais iparating ni Birosel kay Aquino na dapat ipatigil ang rehabilitasyon sa Caticlan International Airport Development Corp. (CIADC) dahil magreresulta lamang ito sa land at water deterioration, erosion at sedimentation ng lupa doon.
Una nang nakiusap ang 3,000 miyembro ng Boracay Foundation Inc. (BFI) kay Aklan Gov. Carlito Marquez na huwag nilang payagan na matuloy ang proyekto dahil ito ay may negatibong environmental impact at walang sapat na environment clearance certificate ang kontraktor mula sa DENR.
Nakiusap din si Birosel kay Aquino na imbestigahan ang mga opisyal ng DOTC na nagpupumilit na tabasin ang bundok doon para lamang maka-landing at makaalis ng maayos ang mga malalaking eroplano.
Nagbabala pa si Dr. Ric Javelosa, ng Mines and Geosciences Bureau (MGB), na kapag itinuloy ng CIADC na ipatag ang bundok ay pwedeng magkaroon ng “micro-climatic change” na pwedeng mawala sa mapa ang white beaches ng Boracay pagdating ng 20 taon.