MANILA, Philippines - Dinagsa ng mga papuri ang ginawang kabayanihan ng mga guro sa matagumpay na May 10 elections.
Nagpasalamat din si Education Secretary Mona Valisno sa publiko dahil sa kooperasyon nito sa mga guro na nagsilbi sa nakalipas na halalan.
Lubos ang kagalakan ni Sec. Valisno sa mga tinanggap na papuri ng mga ‘bloggers’ sa internet bukod sa mga papuri sa mga komentaryo sa pahayagan at radyo.
Kabilang sa mga bumati sa mga guro si Manila Archbishop Gaudencio Rosales, dating Comelec chairman Christian Monsod at Presidential Spokesman Ricardo Saludo.
Pinapurihan naman ni Sec. Valisno ang grade 1 teacher na si Aliah Macabangon ng Daramba Primary School sa Lanao del Norte dahil sa ginawa nitong pagprotekta sa PCOS machine na tinangkang tangayin ng mga armadong grupo.
Sinabi naman ni Sec. Saludo, bibigyan ng kaukulang pagkilala ng Palasyo ang mga gurong nagsilbi sa matagumpay na May 10 elections.