PGMA dapat papurihan sa tagumpay ng automated polls - Planas
MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng Malacanang na dapat papurihan si Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo dahil sa naging matagumpay na kauna-unahang automated elections noong nakaraang May 10.
Sinabi ni Deputy Presidential Spokesperson Charito Planas, dapat magpasalamat ang taumbayan at mga kandidato kay Pangulong Arroyo dahil sa pagsusulong nito ng poll automation na kabilang sa kanyang 10-point agenda.
Ayon kay Usec. Planas, ang tagumpay ng May 10 automated elections ay nag-vindicate kay Pangulong Arroyo mula sa ibat ibang isyu tulad ng no elections, ‘rafael’ at pagkakaroon ng failure of elections.
Idinagdag pa ni Planas, nabura lahat ang mga alegasyon na nais manatili ni PGMA sa poder sa pamamagitan ng failure of election o no election scenario dahil naging matagumpay ang halalan.
Inihayag din ng Palasyo na nag-eempake na ang mga opisyal ng gobyerno maging ang tanggapan ng Pangulo kaugnay sa pagtatapos ng termino ni PGMA sa June 30.
Aniya, dahil sa automated polls ay mabilis din ang naging resulta ng halalan kung saan ay mabilis din ang pag-concede ng mga natatalong kandidato tulad nina Sen. Manuel Villar Jr., Sec. Gilbert Teodoro Jr. at Bro. Eddie Villanueva sa nangungunang presidential candidate na si Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III.
Ipinaliwanag pa ni Planas, hindi man naging perfect ang kauna-unahang automated polls ay maituturing na matagumpay ito sa kabuuan.
- Latest
- Trending