MANILA, Philippines - Manunumpa si presidential frontrunner Benigno “Noynoy” Aquino III sa isang barangay captain kaysa kay incoming Chief Justice Renato Corona.
Sinabi ni Sen. Aquino, mas pipiliin niyang manumpa bilang halal na pangulo sa isang barangay captain ng Tarlac kaysa kay incoming Chief Justice Corona.
Wika naman ng Malacañang, hindi naman obligado si Noynoy na manumpa sa chief ng SC kundi naging tradisyon lamang ito.
Nais ni Aquino na ang susunod na pangulo na lamang ang siyang humirang ng magiging kapalit ng magreretirong si CJ Puno sa Mayo 17 subalit kinatigan ng Korte Suprema si PGMA at kinilala ang kapangyarihan nitong magnombra ng magiging kapalit ni Puno.
Sinabi naman ni presidential spokesman Charito Planas na baka magkaroon ng constitutional crisis kapag hindi kinilala ni Aquino si Corona.
Ayon naman kay Presidential Spokesman Ricardo Saludo na hindi naman requirement sa batas na manumpa sa punong mahistrado ng Korte Suprema ang nanalong presidente subalit ito ay naging tradisyon.
Ayon kay Saludo, sa sandaling isnabin ni Aquino si Corona, baka punahin siya ng taumbayan sa hindi pagsunod sa tradisyon.
Aniya, kung ayaw manumpa ni Aquino kay Corona dahil kinukuwestyon niya ang gagawing pagtatalaga dito ni Pangulong Arroyo ay puwede naman siyang manumpa sa ibang opisyal na nais niya.
“Ito ay tradisyon lamang. Puwede kahit sinong opisyal ang piliin niya para manumpa. Puwede siyang manumpa sa kahit sinong opisyal na mapipili niya (Aquino),” giit pa ni Saludo.
Nais ni Noynoy na baguhin ang nakagawiang panunumpa ng isang pangulo sa chief justice kaya mas nais niyang manumpa sa barangay chairman sa kanyang inagurasyon sa June 30.
Nilinaw pa ni Aquino, hindi naman nakasaad sa Konstitusyon kung kanino dapat manumpa ang isang pangulo ng bansa.