23 Pinoy dinukot sa Somalia
MANILA, Philippines - May 23 tripulanteng Pilipino ang naidagdag na naman sa listahan ng mga bihag ng mga piratang Somali sa kanilang panibagong pag-atake matapos na i-hijack nila ang isang barkong pangkargamento sakay ang 26 crew sa karagatang sakop ng Oman kamakalawa ng umaga.
Nakikipag-ugnayan na ang Department of Foreign Affairs sa Embahada ng Pilipinas sa Nairobi hinggil sa pagkakadukot sa mga Pilipinong lulan ng Liberian flagged at Greek-owned vessel na Eleni P.
Bukod sa 23 Pinoy ay sakay ng bulk carrier Eleni P ang dalawang Romanian at isang Indian crew. Base sa report ng European Union Naval Force Somalia, ang nasabing barko na may bigat na 72,119 tonelada ay patungong Kandla, India nang masabat at tangayin ng mga armadong pirata habang naglalayag sa karagatan ng Oman.
Gayunman, sinabi sa pahayag ng EU Navfor Somalia-Operation ATALANTA na base sa kanilang monitoring ay nasa ligtas o maayos na kalagayan ang mga bihag.
- Latest
- Trending