Palasyo kay Noynoy, GMA igalang
MANILA, Philippines - Iginiit kahapon ng Malacañang kay Sen. Benigno “Noynoy” Aquino III na dapat niyang igalang ang desisyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo sa pagtatalaga ng kapalit ni Chief Justice Reynato Puno na pinayagan mismo ng Korte Suprema.
Sinabi ni Presidential Spokesman Ricardo Saludo na hindi rin labag sa Konstitusyon ang pagnombra ni Pangulong Arroyo kay Associate Justice Renato Corona bilang kapalit ng magreretirong si Justice Puno sa Mayo 17.
Ayon kay Saludo, bukod pa ito sa pagpayag ng Korte Suprema at nakasaad din sa Konstitusyon na pu wedeng magnombra ng punong mahistrado ang Pangulo sa sandaling magretiro ang mahistrado ng High Tribunal.
Aniya, legal ang gagawing pagtatalaga ng Pangulo kay Corona at ito ay sang-ayon sa Konstitusyon at ang anumang hindi pagkilala ng susunod na presidente sa kautusang ito ng SC at sa Saligang Batas ay magiging basehan para siya ay mapatalsik sa pamamagitan ng impeachment.
Ayon naman kay Deputy Presidential Spokesman Gary Olivar, kung mayroong kuwestyon si Aquino na siyang nangunguna sa official counting sa presidential race ng Comelec ay puwedeng idulog nito sa Korte Suprema.
Maaari umanong maparusahan si Corona sa paglabag sa Konstitusyon sakaling tanggapin nito ang appointment bilang chief justice.
Ayon kay Philippine Bar Association President at dating Ombudsman Simeon Marcelo, mas mabuting tanggihan na lamang ni Corona ang naturang appointment dahil may marka pa umano ito na malapit sa Pangulong Arroyo kung kayat hindi maaalis ang pagdududa sa independence nito.
- Latest
- Trending