MANILA, Philippines - Pinag-aaralan na ng Philippine National Police (PNP) ang pagpapalawig ng gun ban matapos ang matagumpay na pagpapatupad ng seguridad sa katatapos na kauna-unahang automated elections sa bansa nitong Mayo 10.
Sinabi ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa na patuloy ang mga panawagan sa PNP na maipagpatuloy pa ang gun ban sa buong bansa ng higit pa sa itinakdang palugit na hanggang Hunyo 9, 2010 alinsunod sa kautusan ng Comelec.
Ang posibleng pagpapalawig pa ng gun ban ay kanilang tatalakayin sa susunod na Firearms Summit na lalahukan rin ng mga stakeholders sa industriya ng armas tulad ng mga gun dealers, manufacturers at mga nagmamay-ari ng baril.
Ang gunban ay nag-umpisa nitong Enero 10 na naglalayong mabawasan ang pagdanak ng dugo sa halalan.
Ipinagmalaki ng PNP Chief na ito ang pinakamatahimik at pinakamapayapang halalan bunga ng epektibong pagpapatupad ng total gun ban ng security forces ng PNP at AFP sa ilalim ng superbisyon ng Comelec.
Sa tala ng National Election Monitoring and Action Center (NEMAC) umaabot sa 2, 641 katao kabilang ang ilang mga aktibong miyembro ng PNP, AFP at mga empleyado ng gobyerno ang nasakote sa gun ban.
Aabot naman sa 2, 305 sari-saring mga armas, 269 granada at mga eksplosibo, 823 gun replica at 620 mga patalim ang nasamsam ng mga awtoridad.
Malaki rin ang naitulong ng paglalansag sa mga Private Armed Groups ng mga pulitiko para makamit ang mapayapa at malinis na halalan.