Appointment ni Chief Justice Corona pinababawi, Noy pumalag na kay GMA!
MANILA, Philippines - Pinababawi ni incoming President Benigno Simeon “Noynoy” Aquino III kay Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ang ginawang pagtatalaga kay Justice Renato Corona bilang Chief Justice.
Sinabi ni Aquino na hindi na dapat pang dagdagan ni Arroyo ang mga iiwanang problema sa bagong administrasyon kaya dapat bawiin na lamang ang appointment ni Corona.
“Is it too much to ask President Arroyo to not add another problem for the next administration to inherit?”ani Aquino.
Ikinatuwiran pa ni Aquino na hindi pa natatapos ang termino ni Chief Justice Reynato Puno dahil sa Mayo 17 pa ito nakatakdang magretiro.
Nauna nang sinabi ni Aquino na dapat ipaubaya na lamang ng Pangulo sa susunod na administrasyon ang pagtatalaga ng bagong chief justice.
“Her appointment of a Chief Justice in waiting is at the very least inappropriate. Chief Justice Puno’s term has not ended. There is no vacancy to be filled. We call upon her to recognize the new government’s right to appoint the next Chief Justice,” ani Aquino.
Ipinunto pa ni Aquino na dahil bababa na sa kaniyang puwesto si Arroyo sa Hunyo 30, isang magandang gawin aniya ang magbawas ng problemang ipapamana sa susunod na administrasyon.
Hindi pa man nagtatalaga ng bagong chief justice ang Pangulo ay marami nang kumuwestiyon sa gagawin ng Pangulo dahil sa umiiral na election ban.
Nabatid na si Corona ang pinaka-senior sa shortlist na isinumite ng Judicial and Bar Council (JBC) upang pagpilian ni Pangulong Arroyo na papalit kay Puno.
Ang mga nominado ng JBC ay sina Corona, Supreme Court Associate Justices Teresita de Castro, Arturo Brion at Sandiganbayan Presiding Justice Edilberto Sandoval.
Ipinanganak si Corona sa Tanauan City, Batangas noong Oktubre 15, 1948 at nagtapos ng Law sa Ateneo de Manila Law School at nagtapos ng Master of Laws sa Harvard University noong 1982.
Nagsilbi muna itong chief of staff ni PGMA at naging spokesman noong ito ay vice-president pa lamang hanggang sa naupong presidential chief of staff ni Mrs. Arroyo noong 2001.
- Latest
- Trending