MANILA, Philippines - Binatikos kahapon ng Presidential Anti-Smuggling Group (PASG) ang ulat na panggagamit sa kanila sa black propaganda laban sa mga kandidato sa local at national ng Liberal Party.
Sinabi ni PASG officer-in-charge Assistant Secretary Danilo Mangila, nagtatrabaho lamang ang PASG at nakakalungkot na ginagamit pa sila sa black propaganda sa ilang kandidato sa maling pamamaraan.’
“All we want is to serve the country to the best we can. PASG is operating to curb smuggling with no political leaning or political interest,” wika pa ni Asec. Mangila.
Ginawa ni Mangila ang paglilinaw matapos lumabas sa mga pahayagan na isinasangkot umano ng PASG si Quezon Gov. Rafael Nantes sa drug smuggling sa ginawa daw na raid sa Icolog island sa Quezon.
Nilinaw din ng PASG chief na walang nakuhang droga sa nasabing raid sa Icolod island kundi mga farm fertilizers lamang.
Ipinaliwanag pa ni Mangila na ang Icolog island operation ng PASG ay bahagi ng surveillance operation laban sa isang Anton Ang na kinasuhan ng smuggling kaugnay sa 714 kilo ng shabu sa Subic.