May nauna, may nahuli
MANILA, Philippines - Pinakaunang bumoto sa mga kandidatong presidente si Nicanor Perlas na nakaabang na sa University of Asia and the Pacific sa Ortigas Center, Pasig City bago pa man opisyal na magbukas ang mga presinto dakong alas-7:00 ng umaga kahapon.
Kasama ni Perlas ang kanyang anak na si Christopher Michael nang bumoto ito sa Precinct 445-A. Tumagal lamang ng higit 10 segundo ang ginawa nitong pagboto ngunit bagama’t tinanggap ng Precinct Optical Count Scan machine ang kanyang boto, sinabi nito na nangangamba pa rin siya kung magiging matagumpay ang automated elections.
Dakong alas-10:50 naman ng umaga nang bumoto si Nacionalista Party standard bearer Manny Villar sa precinct no. 222 sa Las Pinas. Kasabay niya ang kanyang misis na si Rep. Cynthia Villar.
Bago naman mag-alas-12 ng tanghali bumoto si Partido ng Masang Pilipino presidential candidate Joseph Estrada sa Pedro Cruz Elementary School sa Barangay Pedro Cruz, San Juan City.
Nagtungo rin kahapon ng umaga sa kanyang presinto (Precint 0025-A) sa Carabaoan Elementary School sa Barangay Carabaoan, Mayantoc, Tarlac si Gilberto “Gibo” Teodoro na kandidatong presidente ng makaadministrasyong Lakas-Kampi-CMD.
Kasama siya ng kanyang misis na si Tarlac Rep. Monica “Nikki” Prieto Teodoro.
Walang naging aberya sa pagboto ni Teodoro nang mai-scan dito ng presint count optical scan machines ang kanyang balota.
Ang pinsan at katunggali ni Teodoro na si Liberal Party presidential candidate Benigno “Noynoy” Aquino III ay naantala naman ang pagboto dahil nasira ang precint count optical scan machines sa presintong dapat niyang paglagakan ng kanyang boto.
Matapos ang mahigit na apat na oras na pagpila, nakaboto rin si Aquino sa Precinct 175A ng Central Azucarera de Tarlac Elementary School sa San Miguel, Tarlac
Dakong alas-9:45 ng umaga dumating sa presinto si Aquino kasama ang kaniyang mga kapatid at ilang kamag-anak pero nakaboto sila dakong alas-2:00 na ng hapon.
Bagaman at nakaboto si Aquino, hindi rin naman kaagad mabibilang ang kaniyang boto kabilang ang iba pa bomoto sa Precinct 175A matapos magka-aberya ang ginagamit na precinct count optical scanning (PCOS) machine.
Kabilang pa sa mga kandidatong presidente na maagang bumoto ang evangelist na si Bro. Eddie Villanueva ng Bangon Pilipinas na bandang alas-7:40 ng umaga nang magtungo sa kanyang presinto sa Bunlo Elementary School sa Bocaue, Bulacan.
- Latest
- Trending