MANILA, Philippines - Pilit na inihabol ng kampo ng isang politiko sa San Pascual, Batangas ang pagsasampa ng diskuwalipikasyon laban kay incumbent Mayor Antonio Dimayuga dahil sa bintang na iligal umano na paggamit ng pondo.
Sa pulong-balitaan sa Pasig City, sinabi ni dating San Pascual Mayor Mario Magsaysay Jr., na nagsampa na sila ng walong pahinang petisyon sa Comelec na humihiling sa pagbasura sa kandidatura ni Dimayuga.
Nakasaad sa petisyon ang akusasyon na umutang umano ng P40 milyon si Dimayuga sa Philippine National Bank-Diosdado Macapagal branch para sa pagkumpuni ng mga fire trucks ng munisipyo at pagbili pa ng ilang units.
Kasama pa sa petisyon ang akusasyon ng harassment ng kampo ni Dimayuga kontra sa karibal nito ngayon na si Rosario Conti. Ito’y dahil umano sa mga survey sa lalawigan na mas pabor umano ang mga residente kay Conti kaysa sa incumbent na alkalde.