MANILA, Philippines - Isang 29-anyos na Pinoy legal accountant ang nahaharap sa kaso sa United Arab Emirates dahil sa pagkuha ng larawan gamit ang cellphone sa isang Pinay habang naliligo.
Ang insidente ay nangyari noong Pebrero 4 alas-8 ng umaga habang naghahanda ang Pinay sa loob ng CR bago pumasok sa kanyang trabaho.
Sa salaysay ng Pinay, nang pumasok siya sa kanilang bathroom ay napansin niya ang isang basahan na nakasabit sa pintuan ng palikuran o toilet. Nakita nito ang isang butas sa basahan kaya nagsuspetsa siya na baka may camera dito na agad nitong sinuri. Dito tumambad ang nakadikit sa likod ng basahan at naka-pin na i-Phone at may mga naka-kober pang mga damit upang hindi mapansin.
Napag-alaman na may 31 minuto nang video clips ang nakunan na ng video ng i-Phone.
Dahil dito, agad na ipinagbigay-alam ng biktima sa Dubai Police ang insidente hanggang sa matunton ang may-ari ng i-Phone at umamin umano na kumukuha siya ng iba’t ibang larawan ng mga babae.