MANILA, Philippines - Dikit na dikit ang labanan nina Sen. Loren Legarda ng Nacionalista Party at Sen. Mar Roxas ng Liberal Party sa vice-presidential race sa survey ng Issue and Advocacy Center (The Center) kung saan ay lumitaw na limang porsiyento lamang ang margin ni Roxas kay Legarda.
Bagama’t nanatiling nagunguna si Roxas sa vice-presidential race na nakakuha 34 percent ratings mula sa 2,400 respondents sa isinagawang survey ng The Center mula Aprl 26-May 2 ay lumitaw na 5 percent lamang ang margin nito kay Legarda na nakakuha ng 29 percent habang pangatlo lamang si Makati Mayor Jejomar Binay ng Pwersa ng Masang Pilipino na may 25 percent at malayong-malayo ang resultang ito sa isinagawang survey ng SWS kung saan ay lumitaw na pantay na sa 37 percent sina Roxas at Binay.
Ayon kay Ed Malay, director ng The Center, ang ginamit nilang methodology sa pagsasagawa ng survey ay random sampling at hindi pre-determined ang mga respondents nito.
Sinabi ni Malay na dikit na dikit ang labanan nina Roxas at Legarda.
Anya, mabilis na nagiging alternatibong kandidatong bise presidente si Legarda sa buong bansa.