Upset victory itatala ni Gibo

MANILA, Philippines - Upset victory ang nakatakdang itala ni Gilbert “Gibo” Teodoro, ang presidential bet ng ruling party na LAKAS-KAMPI-CMD bukas.

Ito’y matapos kakitaan ng napakalakas na suporta si Teodoro sa miting de avance ng kanyang partido nitong Biyernes ng gabi sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila.

Sinabi ng secretary-general ng Lakas na si Ray Roquero na ang mga Pilipino ay nabago sa kampanya ni Teodoro na pawang hinggil sa mga idea at progra­mang makakabuti sa bansa at hindi puro paninira.

“Patungo si Teodoro sa maaasahang upset victory,” sabi pa ni Roquero.

Mahigit 100,000 na karamihan ay nakasuot ng green t-shirts na may tatak ng “Gibo, Galing at Talino” at “Sulong Gibo!” ang dumagsa sa stadium.

Dahil dito ay nabuhay ang dugo ng partido laluna si Teodoro na kahit minsan ay hindi umangat ang ratings sa mga poll survey ngunit laging topnotcher sa mga mock polls sa radio at mga unibersidad at kolehiyo.

Si Gibo ay sinamahan ng kanyang running mate na si Edu Manzano at lima niyang senatorial candidates.

Ang prediksiyon ng partido ni Gibo ay makakukuha ng 12-14 million boto ang kanilang standard bearer. Ito ay dahil na rin sa suporta ng 62 governors, 168 congressmen at 1,200 city and town mayors na nagpahayag ng buong suporta kay Gibo.

Show comments