Seguridad sa botohan kasado na

MANILA, Philippines - Tiniyak kahapon ng Malacañang na sapat ang preparasyon ng gobyeno para sa seguridad ng eleksiyon bukas.

Ayon kay Press Undersecretary Rogelio Peyuan, kapwa nakataas na ang alert levels at “operational readiness” ng pulisya at militar upang masigurado na tahimik at maayos ang gagawing political exercise sa Lunes.

Binabantayan na rin umano ang mga tinatawag na “election hotspots” sa mga rehiyon at oras-oras ang ginagawang pagbabantay ng mga security forces upang masiguradong hindi magkakaroon ng political violence.

Ayon pa kay Peyuan, kakaunti lang naman ang mga probinsiya na itinuturing na election hotspots at sisiguraduhin umano ng pulisya at militar na hindi mahihinto ang gagawing botohan sa mga nasabing lugar.

Inihayag din ni Peyuan na maging ang galaw ng mga rebeldeng grupo ay binabantayan ng militar upang masigurado na hindi nila sasamantalahin ang sitwasyon.

Umapela rin si Peyuan sa publiko na maging vigilante at tumulong upang mapanatiling credible at maayos ang halalan.

“Isama natin sa ating panalangin na maging maayos at natahimik ang pagsasagawa ng halalan sa Lunes,” sabi ni Peyuan.

Hiniling din nito sa mga kandidato na manatiling kalmado at hintayin na lamang ang magiging resulta ng eleksiyon.

Una nang sinabi ni AFP Chief Gen. Delfin Bangit na handang magbuwis ng buhay ang Armed Forces of the Philippines masiguro lang na mabibigyan ng proteksyon ang boto ng tinatayang 50 milyong botanteng Pinoy laban sa mga magtatangkang imanipula o isabotahe ang resulta ng halalan bukas.

“We will put our lives on the line, go out of comfort zones and stand firm with the people in making sure that they will be able to meaningfully exercise their democratic rights. This is our vow to the nation. This is our covenant with the people and this our solemn pledge before the flag,” nakasaad sa open letter ni Bangit para sa mga sundalo na ipinalabas nito kahapon.

Samantala, bawal bumoto ng naka-uniporme at may dalang armas sa mga polling centers ang mga opisyal at miyembro ng AFP bilang bahagi ng kanilang pag-distansiya sa isyu ng pulitika upang makaiwas na rin sa kontrobersya.

Inoobliga ni Bangit ang mga sundalo na magsuot ng sibilyan sa kanilang pagtungo sa mga polling precints para bumoto. Binigyang diin ng heneral na ang tanging tungkulin nila tuwing eleksyon sa bansa ay ang bumoto at hindi makisawsaw sa isyu ng pulitika dahil ‘apolitical ‘ ang AFP.

Show comments