MANILA, Philippines - Binasura kahapon ng Office of the Ombudsman ang kasong plunder laban kay dating Supreme Court (SC) Associate Justice Dante Tinga na nag-ugat sa kanyang mga isinulat na desisyon noong 2004 at 2006.
Sa 14 na pahinang desisyon na inaprubahan ni Ombudsman Ma. Merceditas Gutierrez, inabswelto ng anti-graft office si Tinga sa mga kasong plunder, falsification of public documents at paglabag sa anti-graft law na isinampa ni Engr. Ernesto Bautista dahil sa kawalan ng hurisdiksiyon.
Ayon kay Graft Investigation and Prosecution Officer Francisco Alan Molina, ibinasura nila ang kaso dahil ang pagsasagawa ng imbestigasyon laban sa isang judicial officers tulad ni Tinga na inakusahang nakipagsabwatan sa ilang opisyal ng gobyerno at empleyado ay trabaho ng Korte Suprema.
Sinabi rin ng anti-graft body na ang mga nasabing alegasyon ay naganap noong nanunungkulan pa si Tinga bilang mahistrado ng mataas na hukuman na nagbunsod sa kanila para ibasura ang mga naturang kaso.
Nag-ugat ang kaso sa desisyon noong 2004 ni Justice Tinga na pabor sa First United Contractors Corporation (FUCC) kung saan pinagkalooban ang nasabing kompanya ng mahigit P74-million na legal interest bilang kompensasyon mula sa Napocor.