Bilangan ng boto maaantala
MANILA, Philippines - Posible umanong maantala ng isang araw ang bilangan ng mga balota sa limang porsiyento ng mga lugar sa bansa dahil maaantala din ang pagde-deliver ng compact flash cards na gagamitin sa poll machines.
Ayon kay Comelec Chairman Jose Melo, sa Mayo 11 na maisasagawa ang bilangan at pagpapadala ng boto dahil Mayo 10 lamang madadala ang mga CF na ilalagay sa Precinct Count Optical Scan (PCOS).
Sinabi ni Melo na ang worst case scenario na kanilang inaasahan sa ngayon ay hindi kaagad mabilang ang mga boto sa ilang munisipalidad sa Negros Occidental, Isabela, Basilan, Cagayan, Maguindanao, Palawan, Sulu, Tawi-Tawi, Zamboanga del Norte, Lanao del Norte at del Sur, Misamis Occidental, Surigao del Norte at del Sur.
Sa kabila naman nito, tiniyak ni Melo na sakaling hindi agad makarating at masuri ang mga bagong memory card sa mga nasabing lugar ay tuloy pa rin ang eleksyon doon.
Aniya, ang ipinagkaiba lang naman ay imbes na padaanin sa mga PCOS machine ang mga balota ay ididiretso ito sa mga ballot box at pansamantalang itatago.
Tiniyak rin naman ni Melo na hindi lalagpas sa araw ng eleksyon ang pagka-delay ng delivery.
Humingi na rin ang poll body ng tulong sa Armed Forces of the Philippines sa pagde-deliver ng mga memory card o compact flashcard sa mga munisipyo mula sa mga provincial capitol ng mga nabanggit na lalawigan.
- Latest
- Trending