MANILA, Philippines - “We are 100 percent prepared for the elections…we will try our very best to maintain order!”
Ito ang nagkakaisang pahayag ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa gaganaping pambansang halalan sa darating na Lunes, Mayo 10.
Tiniyak ni AFP-Civil Relations Service (CRS) chief Brig. Gen. Francisco Cruz Jr. na hindi manghihimasok ang AFP sakaling magkaroon ng problema hinggil sa pagdaraos ng halalan kasabay ng panawagan sa publiko na maging vigilante kung saan tiniyak nito na susuportahan nila ang Comelec para matiyak ang matiwasay at maayos na eleksyon.
Itinanggi rin ni Cruz na may nilulutong “Oplan Rafael ang AFP na siyang alegasyon ni Bayan Muna Rep. Satur Ocampo, senatorial candidate ng Nacionalista Party. Ang Oplan Rafael ay ‘Retain Arroyo through Failure of Elections’ sa pagtatapos ng termino ni Pangulong Arroyo sa Hunyo 30.
Ikinatwiran ni Cruz, produkto lamang umano ng maruming imahinasyon ang pagpapalutang ng nasabing isyu.
Inihayag naman ni PNP Spokesman Chief Supt. Leonardo Espina na ‘all systems go’ na ang PNP sa pagdaraos ng halalan.
Kasado na aniya ang lahat para sa araw ng eleksiyon kung ang pag-uusapan ay contingency measures gayundin ang aspeto ng mga hakbanging panseguridad na kanilang matagal na pinaghandaan.
Iginagarantiya rin ng PNP na 100 % na kanilang matatapos ang pag-escort sa mga Precinct Count Optical Scan (PCOs) machines sa loob ng isa hanggang dalawang araw bago ang halalan.
Nasa 47.12 percent ng mga balota na ang kanilang nadadala sa ibat-ibang lugar ng bansa kung saan sa National Capital Region pa lamang sila nakakakumpleto.