MANILA, Philippines - Binaligtad kahapon ni Justice Secretary Alberto Agra ang nauna nitong resolution na nag-aabswelto kay ARMM Governor Zaldy Ampatuan at Mamasapano Mayor Datu Akmad Ampatuan kaugnay sa Maguindanao massacre.
Base sa 30-pahinang resolution na nilagdaan ni Agra, ibinasura nito ang April 16 resolution nito na nag-aalis sa dalawang Ampatuan bilang mga akusado sa nasabing massacre.
Nilinaw ni Agra na ang pagbaligtad niya sa naunang resolution ay base sa mga bagong argumento ni Atty. Michael Mella at Atty. Nena Santos na abogado ng isa sa mga biktima at sa dalawang bagong testimonya ng bagong testigo na sina alyas Abdul at Takpan Dilon
Sa kabila nito, inanunsiyo ng DOJ na magkakaloob ang pamahalaan at pribadong sektor ng tulong na P20 milyon sa pamilya ng 57 biktima na nasawi sa krimen noong Nobyembre 23 sa Ampatuan, Maguindanao na diumano’y isinagawa ng mga Ampatuan sa pamumuno ni Datu Unsay Mayor Andal Ampatuan kasama ang halos 100 niyang armadong grupo.
Ang nasabing tulong na inayos ng DOJ sa pamumuno ni Agra ay para sa pag-aaral, kalusugan, tulong medikal at livelihood projects para sa mga pamilya ng mga nabiktima.