MANILA, Philippines - Tiniyak ng Commission on Elections (Comelec) na tuloy na tuloy ang kauna-unahang automated elections sa Lunes, Mayo 10 bagama’t nagkaroon ng kaunting aberya sa mga memory card ng precinct count optical scan (PCOS) machines kamakalawa.
Ayon kay Comelec Commissioner Gregorio Larrazabal, hindi umano dapat na gawing dahilan ang maliit na aberya sa memory card upang hindi matuloy ang halalan.
Sinabi ni Larrazabal na wala umanong katotohanan ang mga kumalat na text messages na nagpasya na ang komisyon na ipagpaliban ang halalan sa loob ng dalawang linggo.
The poll body “has not voted on any postponement,” ani Larrazabal.
Napag-alaman kay Larrazabal na ginagawa naman ng Smartmatic-TIM ang lahat ng paraan upang agad na maayos ang mga problema bago dumating ang araw ng halalan. Isasagawa ang final nationwide testing sa mga susunod na araw.
Gii pa ni Larrazabal na nagdo-double time na ang Smartmatic-TIM upang ma-configure ang may 76,000 mga flashcards na ilalagay sa PCOS machines.
Nauna rito, ipinanukala ni election lawyer Atty. Romulo Macalintal sa poll body na ipagpaliban pa ng 15 araw ang halalan upang maiwasan ang posibleng failure of elections, na posibleng maidulot ng ilang aberya sa mga PCOS machines.
Ayon naman kay National Citizen’s Movement for Free Elections (Namfrel) chairman Jose Cuisia, mahalaga ang pagkakaroon ng parallel manual count sa nalalapit na halalan, partikular ngayong nabunyag ang mga problema na maaaring maganap tulad ng pagpalya ng PCOS machines na basahin ang mga boto ng mga kandidato sa isinagawang testing sa mga ito sa ilang lugar sa bansa.
Sinabi ni Cuisia na mas makabubuti na ang mga boto para sa tatlong elective posts, na kinabibilangan ng pangulo, ikalawang pangulo at alkalde, ay gawing manu-mano upang matiyak ang kredibilidad ng resulta ng halalan.