MANILA, Philippines - Sinuportahan ni Senador Miriam Defensor-Santiago ang panukala na magkaroon ng “snap polls” sa Senado upang magkaroon ng bagong Senate president bago sumapit ang Mayo 10.
Sinabi ni Santiago na mas makakabuti kung magkaroon ng “standby president” bilang pagsisiguro na mahahadlangan ang ilang puwersa na nais mang-agaw ng kapangyarihan.
Sinabi nito na may sapat pa namang panahon bago sumapit ang Mayo 10 para magsama-sama ang mga Senador at maghalal ng bagong Senate president.
Sinuportahan nito ang posisyon ni Senador Edgardo Angara at kontra naman sa kasalukuyang Senate president na si Juan Ponce Enrile, muling tumatakbo sa ilalim ng Pwersa ng Masang Pilipino (PMP).
Unang sinabi ni Enrile na magpapatawag lamang siya ng snap polls kung magkaroon ng deklarasyon ng “failure of elections” ngunit kinontra naman ni Angara na nangatwiran na masyado nang huli ito dahil sa mapapasailalim na ang bansa sa kaguluhan at magkakaroon na ng “power grabbing” ang iba’t ibang sektor.
Sinabi ni Santiago na hindi mapipigilan ni Enrile ang snap Senate poll bago mag-Mayo 10 kung magkakaisa ang mayorya ng mga senador.