MANILA, Philippines - Isandaang porsiyentong nakahanda na ang puwersa ng Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police sa pagtugon sa anumang hamon o pitong araw bago ang gaganaping lokal at pambansang halalan sa bansa.
Kahapon ay nagpakita ng ‘show of force‘ ang PNP sa Camp Aguinaldo kasunod ng idinaos na interfaith prayer vigil na dinaluhan ng ibat ibang sekta ng relihiyon, Major Services Commanders, Regional at Division Commanders ng AFP at PNP.
Ayon kay AFP Chief of Staff Gen Delfin Bangit, pitong araw bago ang eleksyon ay umaasa silang walang magiging balakid para sa pagdaraos ng HOPE (Honest, Orderly and Peaceful Elections ).
Sinabi naman ni PNP Chief Director General Jesus Verzosa na isa sa malaking hamon na dapat nilang matugunan ay ang payapain ang publiko laban sa anumang agam-agam sa samutsaring mga isyu ukol sa eleksyon at pairalin ang peace and order sa mga polling precints.
Sinabi pa ni Bangit na walang dapat na ikabahala ang mamayan sa mga susunod na araw sakaling makakita sila sa mga lansangan ng serye ng troop movement sa iba’t ibang kampo ng militar dahil ipinosisyon nila ang kanilang mga puwersa sa mga lugar na kinakailangan ang mabilisang pagresponde sakaling magkaroon ng kaguluhan.
Subali’t tiniyak ng heneral na ang kasundaluhan ay laging nasa tabi ng sambayanang Filipino at handang pangalagaan ang kanilang karapatan alinsunod sa itinatadhana ng batas.