Recom landslide pa rin sa Caloocan
MANILA, Philippines - Patuloy pa rin ang pamamayagpag ni Caloocan City Mayor Enrico “Recom” Echiverri sa lahat ng sektor ng lipunan sa lungsod kaya tiyak na ang muling panalo nito sa darating na May 10 election.
Lumabas sa survey ng Kabataan Kontra Korupsiyon na 80% ang nakuha ni Echiverri sa hanay ng mga guro, estudyante, negosyante, kabataan, senior citizens, jeepney at tricycle driver, vendors at iba pang sector na bumubuo sa hanay ng maralita o masa.
Ayon sa mga nangasiwa ng survey na sina Prof. Ernie Radin, MBA (Faculty-Adamson at EAC) at Prof. Melvin Mitra (faculty-FEU, Eco. Department), ang pag-angat ni Echiverri sa survey ay dahil na rin sa maayos na pamamalakad nito sa lungsod kaya ramdam ng mga residente ang pagbabagong nangyari sa Caloocan magmula sa isang nakasusulasok na siyudad.
Ayon sa mga guro at estudyante, kitang-kita ang pagmamalasakit ni Echiverri sa edukasyon dahil sa mga pinatayo nitong 300 silid-aralan.
Maging ang mga kabataan at negosyante ay all out ang ipinakitang suporta kay Echiverri dahil sa nakita nilang kilo-kilometrong kalye na napasemento nito.
Umaabot naman sa 114 covered courts ang naipagawa ni Echiverri sa kanyang mahigit limang taong panunungkulan.
Ayon pa sa mga residente ng lungsod, dahil sa mga ipinagawang ito ni Echiverri ay mahihirapan ang kanyang mga kalaban na talunin ito sa darating na eleksiyon dahil naniniwala ang mga ito na mas marami pang proyekto ang kayang ipagawa ni Mayor Recom sa kanyang ika-tatlong terminong panunungkulan.
- Latest
- Trending