128 Lakas-Kampi incumbents, bets todo suporta kay Gibo
Cebu City, Philippines - Halos isang linggo na lamang bago ang halalan sa Mayo 10, may 128 kongresista, gobernador at mga kandidato ng Lakas-Kampi-CMD ang muling nagtipun-tipon dito upang muling ipakita ang kanilang pagkakaisa, buong paninindigan at siyento-porsyentong suporta para sa kandidatura sa pagkapangulo ni Gilberto “Gibo” Teodoro.
Sa isang manipesto na may titulong “The Cebu Declaration,” sila ay nangako na patuloy na susuporta sa kandidatura ni Gibo at muling hinikayat ang kani-kanilang mga kababayan at nasasakupan na basagin ang kanilang katahimikan upang ipakita at iparamdam ang kanilang buong pagsuporta kay Teodoro.
Bawat isa sa 95 kongresista (25 mula sa Luzon, 34 sa Visayas, at 36 sa Mindanao), mga lokal na opisyal at mga kandidato ay lumagda din ng kani-kanilang pangako na magbigay ng pinakamataas na bilang ng boto para kay Teodoro sa kani-kanilang mga nasasakupan.
Kasama sa mga lumagda ay ang 33 gobernador (11 mula sa Luzon, 10 mula sa Visayas, at 12 mula sa Mindanao) na bahagi ng “Governors for Gibo” o G4G na kilala din sa tawag na “Team Palabra de Honor” dahil sa kanilang pagiging totoo sa kanilang mga ipinapangako, kasama na rito ang pagsuporta kay Teodoro hanggang sa Mayo 10.
Lubos namang nagalak si Gibo sa suportang ipinakita sa kanya mula sa kanyang mga totoo at subok nang mga kaibigan kaya kaniyang pinasalamatan ang mga ito.
- Latest
- Trending