MANILA, Philippines - Laking-gulat ni Nacionalista Party standard-bearer Senador Manny Villar nang makita nito ang isang 64-anyos na dating kapitbahay ng kanilang pamilya sa Tondo sa ginanap na kampanya sa General Santos City noong Sabado.
Si Danilo Tinoco na tumatakbong konsehal sa Gensan ay tinawag sa entablado sa ginawang endorsement ceremony ng Central Mindanao United Pentecostal Church.
Sa kanyang pagsalita, tinawag ni Tinoco na sinungaling ang mga taong nagsasabing hindi talaga nanggaling sa hirap si Villar. Sinabi niya na dati siyang nanirahan sa 716 Moriones St. kanto ng Juan Luna, ilang bloke lamang mula sa lumang bahay ng mga Villar sa 500 Moriones St. kanto ng Sta. Maria.
Nahihiya mang inamin ni Tinoco na mayaman pa ang pamilya niya noon kaysa kina Villar dahil ang kanilang bahay ay nakatayo sa isang 1,000 metro kuwadrado na lupa samantalang ang kina Villar ay may 50 metro kuwadro lamang sa lugar ng mga iskwater.
Ayon pa kay Tinoco, nasaksihan niya mismo ang naging buhay ni Villar noong bata pa ito sa Tondo na kung saan tinutulungan ang kanyang ina na magtinda ng hipon sa palengke ng Divisoria.
Sinabi ng dating barangay chairman ng Baluan na nagdesisyon siyang lumantad upang ipagtanggol ang kanyang dating kapitbahay mula sa kritiko nito na kumukwestiyon sa pinanggalingan nitong kahirapan.
“Ang bahay po ni Manny Villar na sinasabi nila na isa pong mayaman na dati na hindi po totoo, nasa isang relocation site po sya. Ito ay National Housing Authority project, 50 square meters sa relocation site ng mga squatters po kung tawagin natin. Sa Tagalog, maralitang taga-lungsod. Yan po si Manny Villar. Totoo po yun na naliligo sa dagat ng basura yan sapagkat yun lugar na yun, barado yun pong mga drainage system dun. Paglabas po ng bahay ni Sen. Manny Villar, doon po ang tubig po hanggang tuhod,” sabi pa ni Tinoco.