MANILA, Philippines - Dalawang kongresista ang kusang loob na nagsuko ng kanilang mga armas sa Philippine National Police bilang pakikiisa sa pagkakaroon ng tahimik at maayos na eleksiyon.
Ayon sa ulat, ang mga armas na hawak ngayon ng PNP ay isinuko ng dalawang mambabatas mula sa Masbate noong Abril 27 at May 2, 2010 na may kabuuang 44 matataas na kalibre ng armas.
Partikular na isinuko ni Congressman Antonio Kho ang dalawang kalibre 60 LMG; anim na M16; limang Baby M16; isang GL M203; isang M14, isang M16 Bushmaster; isang Intratec MPistol; at limang kalibre 45.
Habang kay Cong. Narciso Bravo Jr. ay apat na M-14; tatlong M-16; dalawang carbine; isang Ultimax; isang Uzi; isang Shotgun SPA12; isang Thompson SMG; limang kalibre .38 revolver; at tatlong kalibre 45.
Ayon kay Chief Supt. Leonardo Espina, spokesman ng PNP at kasapi ng Joint Security Control Council (JScC), umabot sa 87 iba’t-ibang uri ng armas ang nakumpiska ng PNP nitong nakalipas na dalawang araw.
Habang ang natitirang 43 ay nakumpiska sa iba’t-ibang operasyon ng nasabing kagawaran.
Ayon pa kay Espina, ang kusang pagsuko ng mga armas ng mga politiko ay indikasyon na matured na ang mga politiko sa Masbate sa larangan ng politika para makamit ang maayos na halalan sa kanilang lugar.