MANILA, Philippines - Umaapila sa gobyeno si Agricultural Sector Alliance of the Philippines (AGAP) Partylist Representative Nicanor Briones na huwag ituloy ang napaulat na pag-aangkat ng 500,000 metric tons (5-milyong kilo) ng baboy sa ibang bansa.
Sa isang media forum sa Maynila, sinabi ni Rep. Briones na “wrong timing” ang nasabing importasyon ng karne ng baboy kaya hinihiling nito kay Pangulong Arroyo na huwag ituloy dahil malulugi ang mga magbababoy sa bansa.
Ang importasyon ng karne ng baboy ay sinasabing inaprubahan ng Department of Agriculture (DA) na walang taripa o babayarang buwis sa pamahalaan na nakatakdang dumating sa bansa sa darating na buwan ng Hunyo, Hulyo at Agosto.
Ayon sa AGAP, tiyak na magkakaroon ng “over supply” ng karne ng baboy sa loob ng nasabing tatlong buwan.
Wala rin umanong konsultasyon sa hanay ng mga magbababoy sa bansa ang nasabing importasyon ng karne ng baboy. Aniya, ang may kabuuang 75 porsiyento ng “backyard raiser” o maliit na nag-aalaga ng baboy sa bansa ang siyang labis na maapektuhan ng nasabing importasyon.