MANILA, Philippines - Inutusan kahapon ni Pangulong Gloria Macapagal Arroyo si Labor and Employment Secretary Marianito Roque na bilisan ang isinasagawang wage hike negotiations sa iba’t ibang regional wage boards (RWB) kaugnay sa kahilingan ng mga manggagawa na P75 per day wage hike.
Sa kaniyang keynote address sa Labor Day celebration na isinagawa sa SMX Convention Center sa Mall of Asia, ipinagmalaki ng Pangulo na sa siyam at kalahating taon ng kaniyang panunungkulan, umabot sa 36 na milyon ang mga may trabaho mula sa 27 milyon.
Umabot umano sa isang milyon ang average job creation sa ilalim ng administrasyong Arroyo.
Pinasalamatan ng Pangulo ang iba’t ibang labor federations at unions at iba pang sektor sa pagbuo ng Labor Agenda 2010-2015. Nakapaloob umano dito ang labor expectations ng iba’t ibang economic sectors sa susunod na limang taon.
Ipinagmalaki rin ng Pangulo na ang kaniyang reform programs ang nagsalba sa bansa mula sa masamang epekto ng global financial crisis at food crisis.
Sinabi rin ng Pangulo na ang minimum wages sa Pilipinas na mula P148 to P256 ay mas mataas kaysa sa Vietnam, China, Indonesia at Thailand.
Mas nabawasan na rin umano ang mga industrial strikes mula 300 noong 1998 sa apat na lamang noong 2009 at zero ngayong 2010.