Tiquia health card ipamimigay sa Valenzuela
MANILA, Philippines - Isa sa mga plano ni Pastor Sonny Tiquia kapag nanalong kinatawan ng ikalawang distrito ng Valenzuela City ay ang pagbibi-gay ng health card sa mga residente nang sa gayon ay mabawasan ang gagastusin ng mga ito sakaling may kapamilya silang magkakasakit.
Ayon kay Tiquia, mahalaga sa kanya ang kapakanan at kalusugan ng mga residente ng lungsod kaya’t sa pamamagitan ng pagbibigay ng health card ay makatutulong siya kapag nagkaroon ng sakit ang isang kapamilya ng mga ito.
“Importante ang kalusugan ng ating mga kababayan kaya’t malaki ang maitutulong ng health card sa kanilang kalusugan at makakaasa ang mga residente ng ikalawang distrito ng aming lungsod na gagawin ko ang aking makakaya para maalagaan sila ng maayos,” saad ni Tiquia.
Naniniwala din si Pastor Sonny na nasasalamin ang pagiging maunlad ng isang lugar kapag ang mga residente ay may malulusog na pangangatawan.
Isa rin sa pangunahing adhikain ni Tiquia na maturuan ng sapat na kaalaman ang mga residente ng lungsod kung paano nila mapapanatili ang pagkakaroon ng malusog na pangangatawan.
Naniniwala din si Pastor Sonny na madali lamang paglaanan ng pondo ang health card na ipamamahagi sa mga residente ng lungsod.
Sinabi pa nito na ilang taon na ring napupunta sa wala ang nakukuhang pondo sa mababang kapulungan ng Kongreso kaya’t sa pamamagitan ng pamamahagi ng health card ay mapapakinabangan na rin ng mga residente ang pera na nagmumula sa gobyerno.
- Latest
- Trending