MANILA, Philippines - Sinampahan ng kasong disbarment sa Integrated Bar of the Philippines si dating Supreme Court justice Dante Tinga kaugnay sa isyu ng lupa nung siya ay congressman pa ng Taguig-Pateros.
Sa kanyang complaint affidavit na inihain sa tanggapan ng IBP sa Ortigas, Pasig City, tahasang hiningi ng isang Jovito Olazo, residente sa bayan ng Taguig, ang pagtanggal ng lisensiya ng pagka abogado ni Tinga.
“Noon pong Congressman pa (1987-1998) ng Taguig-Pateros si Tinga, umupo po siya bilang miyembro ng Committee on Awards na siyang namamahagi ng mga lupa sa bisa ng Proclamation Nos. 2476 at 172. Ang mga lupang ito na nasakop ng Lower Bicutan, Western Bicutan at Signal Village ay inilaan ng batas para sa mga magsasaka at residente ng mga barangay na ito,” salaysay ni Olazo.
Pero sa halip anya na isulong ang karapatan ng mga magsasaka at residente ay kapakanan umano ng kanyang mga kamag-anak at kliyente ang kanyang inasikaso gayong malinaw umano na conflict of interest sa kanyang pagiging miyembro ng Committee on Awards at pagiging Congressman at abogado.
Dahil dito, naagaw umano ang lupa sa pamilya Olazo at iba pang lehitimong residente ng Taguig.
Sina Joseph Jeffrey Rodriguez at Ramon Lee ang sinasabing may hawak ngayon sa karapatan sa mga lupang nabanggit na sakop ng Proclamations.
Ayon pa kay Olazo, sina Rodriguez at Lee ay hindi magsasaka at hindi rin mga residente ng Taguig.
Nauna ng nagsampa ng kasong korupsyon sa Ombudsman si Olazo laban kay Tinga.