MANILA, Philippines - Ang matagal ng pangarap ng mga taga-Muntinlupa na magkaroon ng sariling suplay ng tubig sa kanilang bahay ay matutupad na sa ilalim ng administrasyon ni Mayor Aldrin San Pedro.
Ayon kay Mayor San Pedro, mag-uumpisa nang mag-suplay ng tubig ang Maynilad Water Services sa Muntinlupa sa Mayo. Siya ang humiling sa Maynilad na madaliin ang proyekto sa lungsod upang maserbisyuhan agad ang mga taga-Muntinlupa.
Kamakailan ay ininspeksiyon nina Mayor San Pedro at ni Maynilad President Rogelio Singson ang Putatan upang bisitahin ang modernong Maynilad Putatan Water Treatment Plant at ang tinatapos na paglalagay ng mga tubo ng tubig sa iba’t ibang barangay sa lungsod.
Sa umpisa pa lamang, may 22,760 kabahayan sa Muntinlupa kaagad ang maseserbisyuhan ng tubig. Ang Putatan plant ay kayang magsuplay ng inisyal na 50 milyong litro ng malinis na tubig araw-araw na tataas sa 100 milyong litro ng tubig araw-araw ngayong taon.
Dahil dito, ang bawat bahay ay magkakaroon ng 24 oras na serbisyo ng tubig na dulot ay malaking ginhawa.
Lubos ang pasasalamat ng mga taga-Muntinlupa kay Mayor San Pedro at sa Maynilad dahil matutupad na ang kanilang matagal nang pangarap na magkaroon ng tubig.