MANILA, Philippines - Dahil sa mas patindi nang patinding init, pinaalalahan ng Department of Health (DOH) ang publiko laban sa heat stroke kasunod ng pagpanaw ni dating Batangas Governor Armand Sanchez.
Ayon kay Health Secretary Esperanza Cabral na bagama’t cerebral hemorrhage ang sinasabing naging sanhi ng pagkamatay ni Sanchez, tila napalala naman ito ng sobrang init at pagod.
Inihayag pa ni Cabral na sa mga may alta presyon o sakit sa puso, dapat na mas lalong mag-ingat kapag sobrang init ang panahon.
Ipinapayo ng kalihim na huwag masyadong magpagod, huwag magtrabaho sa gitna ng init ng araw at palagi ring magbaon ng tubig para maiwasan ang dehydration.
Kabilang aniya sa mga sintomas ng heat stroke ang pagkahilo, panghihina at pagsusuka pero ang pinakamalaking senyales nito, ang mataas na temperatura ng katawan na umaabot sa 42 degrees Celsius.