Biyuda ni Sanchez pinipilit tumakbo
MANILA, Philippines - “Pakiusap. Hayaan nyo muna kaming makapagluksa. Irespeto nyo naman ang aming pagdadalamhati at pagluluksa! Mahiya naman kayo, kamamatay lang ng asawa ko!”
Ito ang panangis na panawagan ni Mayor Edna Sanchez habang nasa burol ng pumanaw na asawa niyang si dating Batangas Governor Armand Sanchez kahapon.
Ayon kay Mayor Edna, nasa Mary Mediatrix Medical Center sa Lipa City pa lamang at comatose si Armand ay walang-tigil na ang pag-uudyok sa kanya ng mag-amang Eduardo at Edwin Ermita para siya ang pumalit sa kandidaturang nabakante ng pagkamatay ng kanyang kabiyak.
Alam daw ni Mayor Edna na malaki ang kanyang chance na manalo sa kanyang ikatlong termino bilang alkalde ng bayan ng Sto. Tomas at magiging mahirap para sa kanya ang mangampanya sa buong lalawigan.
Kwento pa ni Edna, hindi dapat tatakbong muli bilang gobernador si Sanchez dahil sa laki ng nagastos nito noong eleksyon 2007 kung saan siya ay tinalo ni Gov. Vilma Santos-Recto ng mahigit sa 130,000 boto. Sa loob ng nakaraang taon, pinaunlad ni Armand Sanchez ang kanilang mga negosyo at nakuntento na sa tahimik na buhay.
Samantala, tahasang sinabi ng Commission on Elections na hindi maaaring humalili at tumakbo si Mayor Sanchez bilang kapalit ng pumanaw nitong asawa sa pagka-kandidatong gobernador.
Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez, maaari lamang maging substitute ng kandidato ng Nacionalista Party kung iisa ang kanilang partido at hindi tumatakbo sa iba pang posisyon.
Sinuman ang puwedeng pumalit ay maaring tumakbo subalit hindi na maaaring magpalit ng posisyon ang isang kandidato dahil magiging bakante ang posisyong iiwanan.
Hindi naman umano madaling palitan at baguhin ang mga balota at kailangan pa ang konsultasyon.
- Latest
- Trending