MANILA, Philippines - Ang tunay na Oposisyon ay hindi nagpapahirap sa masa at sa buong mamamayan kundi gumagawa ng hakbang para mapagaan ang buhay ng mahihirap at hindi ito lalong pinapahirap.
Ito ang paniwala ng Peasant, isang grupo ng mga magsasaka, mangingisda at manggaga wang bukid bilang pahaging kay Liberal Party vice presidential candidate Mar Roxas.
Taliwas rin umano ang mga pahayag ni Roxas na makamahirap siya dahil bumoto siya pabor para sa expanded value added tax.
Ang EVAT ang dahilan kung bakit nagtaasan ang presyo ng pagkain gamot, walang halos makain ang maraming mamamayan at walang trabaho.
Dahil sa EVAT, tumaas ang basic prices na kahit ang mga pinakamurang ulam at bigas ay nadagdagan ng presyo at halos hindi na maabot ng naghihikahos na mamamayan.
Ayon sa kanilang pangulo na si Evangeline Mendoza, mahirap paniwalaan na tunay na makamahirap si Roxas dahil ang mismong pamilya Araneta ng senador ang umano’y nagpalayas sa mga magsasaka sa lupang kanilang sinasaka mula pa 1945.
“Ni minsan ay hindi man lang kumilos si Mar Roxas para ipagtanggol kaming mga magsasaka at mga mahihirap paano niya masasabing maka mahirap siya.
Ang mga batas na sinasabing ginawa niya tulad ng cheaper medicines act ay hindi pala siya ang talagang orihinal na may akda at kinopya lang at ngayong inaangkin niyang kanya,” pahayag nito.
Ang grupong Peasant ay matagal nang ipinaglalaban ang karapatan ng mga magsasaka na pwersahang pinalayas sa kanilang lupain sa Sitio Maraat, San Mateo, Rizal.