MANILA, Philippines - Ang mga nagawa ni Muntinlupa Mayor Aldrin San Pedro sa loob lamang ng 3 taon ay higit pa kumpara sa nagawa ni dating mayor Jaime Fresnedi sa loob ng siyam na taon. Ito ay batay sa datos kung saan lumabas na nahigitan ni San Pedro ang dating mayor sa pagbibigay ng trabaho, imprastraktura, paglaki ng kita ng lungsod at pag-unlad ng buong Muntinlupa simula nang siya ay umupo noong 2007.
Mula Hulyo 2007 hanggang 2009, naipasok ni Mayor San Pedro ang 43,502 na mga taga-Muntinlupa sa mga trabaho sa iba’t ibang kumpanya.
Patuloy din ang pagtaas ng kita ng lungsod sa ilalim ni San Pedro. Mula P1.7 bilyon na kita noong 2007, ito ay tumaas sa P2.01 bilyon noong 2008 at P2.31 bilyon noong 2009. Sa kauna-unahang pagkakataon, pumalo sa P2 bilyon ang kita ng lungsod sa ilalim ni San Pedro.
Pinuri ng mga taga-Muntinlupa ang mahusay na pamamahala ni San Pedro at sinabing susuportahan pa nila ito para sa isa pang termino dahil sa napatunayan niyang kaya niyang paunlarin ang lungsod sa loob lamang ng 3 taon.