MANILA, Philippines - Pumasok na si detenidong dating Col. Ariel Querubin sa Magic 12 sa senatoriables sa pinakahuling survey na Desisyon 2010 Pre-election Survey na isinagawa ng Manila Broadcasting Corporation noong Abril 15, 2010.
Base sa survey, nakapagtala si Querubin, kandidatong senador ng Nacionalista Party sa pamumuno ni Sen. Manny Villar, ng 23.4% kumpara sa dating ranggo nito sa ibang survey na pumalo lamang sa ika-17 mula sa dating 51.
“Pinatutunayan lamang ng survey na maraming mamamayan ang naniniwala sa prinsipyong ipinaglalaban ni Querubin. Sa adhikain ni Querubin na tumulong sa paglutas ng kahirapan ang siyang sandigan ng kanyang kandidatura bilang senador ng bayan,” ayon kay Martin, anak ng dating opisyal ng Philippine Marines.
Isinagawa ang survey ng La Research Inc. noong Abril 15, 2010 na may 25 tahanan bawat barangay ang kinunan ng opinyon sa iba’t ibang lalawigan sa pamamagitan ng face-to-face interview sa lahat ng rehiyon.
Kasalukuyang nakakulong ngayon si Querubin sa Detention Center ng Intelligence Service of Armed Forces of the Philippines sa Camp Aquinaldo, Quezon City.
Sinabi ni Martin na pinagkakaitan ng karapatang mangampanya ang kanyang ama.