Graft vs Tagaytay mayor dinismis ng Ombudsman
MANILA, Philippines - Dahil sa kawalan ng probable cause, ibinasura na ng Office of the Ombudsman ang kasong graft laban kay Tagaytay City Mayor Abraham “Bambol” Tolentino na nag-ugat sa umano’y overpricing sa pagtatayo ng phase 2 ng City College of Tagaytay.
Maliban kay Tolentino, inabsuwelto rin ng Deputy Ombudsman for Luzon sina city engineer Leonardo Olegario, assistant city engineer Noel Baybay, city accountant Rosemarie Lerio at Jesusito Legaspi, may-ari ng J.D. Legaspi Construction.
Sa resolusyon ng Ombudsman, nabanggit na wala itong nakita na anumang ginawang paglabag ang mga akusado sa probisyon ng Republic Act 6713 o ang Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials.
Batay pa sa desisyon, nabigo rin ang complainants na magsumite ng ebidensiya upang suportahan ang kanilang alegasyon.
Sinabi rin ng Ombudsman na napatunayan ni Tolentino na hindi siya nakagawa ng malversation of public funds ng bayaran niya ang natapos na proyekto.
Inakusahan nina Arnel Taruc, Ronald Tan, Tagumpay, Reyes, Ma. Theresa Mendoza, Dominador Bassi at Fidela Castillo si Tolentino ng overpricing nang aprubahan niya ang pagbabayad ng P23,006,050 sa J.D Legaspi Construction para sa nakumpletong phase 2 ng proyekto.
Para naman kay Tolentino, na naghahabol ng re-election, ang alegasyon ay may kaugnayan lang sa pulitika at layong sirain ang kanyang reputasyon at ang mga nagawa ng kasalukuyang Tagaytay administration.
- Latest
- Trending