MANILA, Philippines - May posibilidad na umatake ngayon ang second wave ng kinatatakutang AH1N1 flu virus, ayon sa Department of Health.
Sinabi ni Dr. Eric Tayag, hepe ng National Epidemiology Center ng DOH, na maaga silang nakaalerto sa muling pagpasok ng mas matinding AH1N1 sa bansa, dahil ang panahon ng influenza sa Pilipinas ay nagsisimula sa panahon ng pasukan.
Ani Tayag, ng naging isang pandemic noong nakaraang taon ang nasabing flu virus ay itinigil na ng DOH ang pagbabantay.
Sa huling naitala, may 13 kaso na ng AH1N1 mula nitong Enero hanggang sa kasalukuyan.
Batay sa datos noong nakalipas na taon, umabot sa 32 ang namatay sa nasabing sakit, partikular sa mga tinamaan nito na nagkaroon ng kumplikasyon at iba pang karamdamang dati nang taglay.
Nagbabala na rin ang DOH sa publiko na huwag balewalain ang simpleng ubo, pananakit ng ulo at lalamunan at lagnat, bagkus ay dapat na kaagad ipasuri sa doctor.
Tiniyak naman ni Tayag na ngayong araw ang simula ng pagbabakuna sa mga frontline healthworkers at mga buntis kontra AH1N1 dahil nasa bansa na ang 1.9 million dosage ng bakuna mula sa World Health Organization (WHO).
Sa mga nais umanong makakuha ng bakuna, may nabibili na umano sa merkado dahil ang binibigyang prayoridad ng DOH ay ang healthworkers at mga buntis.
Sa pagdating ng 7 milyong dosage ng AH1N1 vaccine mula sa WHO, isusunod naman ang mga batang nasa anim na buwan hanggang limang taong gulang, gayundin ang mga matatandang 60-anyos pataas na madaling mahawaan.