Semen specimen sa Vizconde iimbentaryuhin pa ng NBI
MANILA, Philippines – Titiyakin muna ng National Bureau of Investigation (NBI) kung nasa kanila pang kostudiya at kung ‘intact’ at hindi kontaminado ang semen specimen na kinuha sa labi ni Carmela Vizconde para isailalim sa DNA testing na ikukumpara sa DNA samples mula sa akusadong si Hubert Webb.
Sinabi ni Deputy Director for Technical Services Atty. Reynaldo Esmeralda na isinasailalim na sa inventory ang physical evidence na kinuha noong 1991 at 1992.
“We have to know if the semen specimen is still in custody of NBI and if so, there is need to conduct initial test if it still intact and not contaminated to determine the integrity of the evidence,” ani Esmeralda.
Tugon ito sa inilabas na kautusan ng Korte Suprema noong Biyernes na pumabor sa apela ni Hubert Webb na suriin sa pamamagitan ng DNA analysis ang semen specimen upang matukoy kung siya ay may kinalaman sa sinasabing rape sa naganap na Vizconde massacre.
Iginiit ni Esmeralda na kokonsumo ng mas mahabang panahon ang inventory at DNA analysis, kaya posibleng hilingin ng NBI at UP-Natural Science and Research Institute sa Korte Suprema na bigyan ng ekstensiyon ang naunang kautusan na sa loob lamang ng 15 araw ay dapat na silang magsumite ng report.
Si Webb ay kabilang sa mga suspek na nasentensyahang makulong nang habambuhay dahil sa panggagahasa at pagpatay kay Vizconde at sa ina nitong si Estrellita at kapatid na si Jennifer.
- Latest
- Trending