Agra mag-iinhibit sa Ampatuan case

MANILA, Philippines – Balak ni Acting Secretary Alberto Agra ng Department of Justice na mag-inhibit na lamang sa gagawing pagrepaso ng DOJ sa kasong multiple murder kaugnay ng Maguindanao massacre at ipaubaya sa isang bagong panel ang pagbusisi dito, matapos maghain ng mga abogado ng mga pamilya ng mga biktima ng motion for reconsideration.

Sa isang press briefing sa Office of the Government Corporate Counsel (OGCC) sa Quezon City, sinabi ni Agra na ang pagbubuo ng isang bagong panel ng mga government prosecutors para magsagawa ng reevaluation ay isa sa mga opsyong pinag-iisipan niya.

Binigyang-diin ni Agra na wala siyang planong palitan o gumanti man lang sa mga government prosecutors na kumukwestyon sa ginawa niyang desisyon sa naturang kaso at iginagalang aniya ang kanilang posisyon kaugnay dito.

“Wala akong balak palitan sila,” aniya. “Again, inuulit-ulit ko, wala akong balak mag-retaliate….ginagalang ko yung kanilang posisyon.”

Nang tanungin kung bakit kinailangan pa niyang mag-isyu ng resolusyon sa halip na pabayaan na lamang ang korteng magdesisyon sa kasong ito, sinabi ni Agra sa mga mamamaha­yag na kailangan niyang gu­mawa ng ruling dahil sa inihaing motion sa DOJ secretary para repasuhin ang kaso.

Aniya, umaabot sa siyam na libong (9,000) kaso ang naka-pending sa DOJ nang humalili siya bilang acting secretary noong isang buwan—mga kasong natambak pa mula noong dekada 90—at plano niyang bawasan nang kahit kalahati ang backlog na ito sa pagtatapos ng Arroyo presidency.

Nang tanungin kung ano ang mensahe niya sa mga pamilya ng limampu’t pitong (57) biktima, sinabi ni Agra : “I condemn in the strongest terms what happened (in Maguindanao). However, as the acting secretary of the Department, I am duty-bound not to make sweeping indictments.My position was based on law and my appreciation of the documents, records, evidence before me. Nothing else,” dagdag pa niya.

Show comments