MANILA, Philippines - Inatasan kahapon ng Supreme Court ang National Bureau of Investigation at sa University of the Philippines-Natural Science Research Institute na isailalim sa DNA test ang semen na nakuha sa bangkay ni Carmela Vizconde na sinasabing halinhinang ginahasa muna bago pinaslang ng ilang lalaki sa bahay nito sa Parañaque noong 1991.
Ginawa ng Mataas na Hukuman ang kautusan para pagbigyan ang kahilingan ni Hubert Webb na kabilang sa mga suspek na nasentensyahang makulong nang habambuhay dahil sa panggagahasa at pagpatay kay Vizconde at sa ina nitong si Estrellita at kapatid na si Jennifer.
Noon pang 1997 unang hiniling ni Webb ang DNA test pero hindi ito pinagbigyan ng mababang korte dahil hindi pa ikinokonsidera nang panahong iyon ang naturang laboratory examination.
Noon lamang Oktubre 2007 ipinahintulot ng Mataas na Hukuman ang paggamit ng DNA test bilang ebidensya dahil na rin sa meron nang pasilidad para rito ang UP.