MANILA, Philippines - Mismong ang Philippine Stock Exchange (PSE) ang nagdeklara na walang batas na nilabag si Nacionalista Party presidential bet Manny Villar kaugnay sa pagbenta ng shares of stocks nito sa Vista Land & Lifescapes Inc. (VLL) noong 2007.
Sa ipinalabas na pahayag ni PSE chair Hans Sicat, sinabi niya na nasunod ang batas sa listing at public offering requirements ng ahensiya taliwas sa alegasyon nina dating pangulong Joseph Estrada at Senate President Juan Ponce Enrile.
Nakasaad sa pahayag ng PSE na inaprubahan ng board public offering ng VLL at hindi umano saklaw ng “lock-up” rule ng mga dati nang shareholders ng kumpanya.
“The PSE is committed to the development of the capital markets of our country and implements its rules to protect the interest of its stakeholders and the investing public,” paliwanag ni Sicat.
Si Estrada, na-impeached sa pagkapangulo dahil sa kaso ng pandarambong at imoralidad, ay kandidato uling pangulo ng Partido ng Masang Pilipino (PMP), habang kandidatong senador niya si Enrile, na nanguna rin sa pag-imbestiga kay Villar sa C-5 road project na hindi nagkaroon ng desisyon.
Bago mapatalsik sa puwesto si Estrada noong 2001 dahil sa bintang ng pandarambong sa pera ng bayan, kasamang nilitis sa impeachment court ang pagkakasangkot niya sa manipulasyon sa stocks ng Best World (BW) Resources kung saan pinapaniwalaang kumita umano si Estrada ng malaking halaga.
Sa kabila ng pag-atake ni Estrada sa kanya, nanatiling kalmado si Villar at ipinapaubaya na umano sa mga abogado at opisyal ng VLL ang pagsagot sa pinakabagong paninira sa kanya ng mga kalaban.
“Dati ko pang sinasabi ito na habang papalapit ang halalan, patitindihin ng mga kalaban ang mga alegasyon sa akin para siraan ako. Paulit-ulit iyang mga bintang na iyan, ginagawa nilang installment para tumagal,” paliwanag ni Villar.
Inihayag naman ng NP na desperado ang kampo ni Estrada na makahabol sa mga survey kaya inatake si Villar na itinuturing tunay na ‘man to beat” sa halalan sa Mayo 10.