Agra: 'Di ako magbibitiw!

MANILA, Philippines - Pinabulaanan kahapon ni Acting Justice Secretary Alberto Agra na nagbitiw na ito sa pwesto taliwas sa kumalat na ulat. Kasabay nito ay tiniyak ng kalihim na handa siyang sumailalim sa lifestyle check upang patunayan na walang katotohanan ang mga alegasyon na nabayaran ito para absweltuhin sina suspended ARMM Gov. Zaldy Ampatuan at Mamasapano Mayor Akmad Ampatuan sa Maguindanao massacre.

Una nang kumalat na nagbitiw na si Agra sa pwesto kung saan naghain umano ito ng resignation letter kay Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ngunit nilinaw nito na wala itong katotohanan dahil wala umanong dahilan para magbitiw sa pwesto.

Sinabi rin ni Deputy Presidential Spokesman Gary Olivar na wala pang isinusumite na resignation si Agra o kaya ay sinibak ito ng Pangulo kaya nananatiling ito ang DOJ chief.

Sa isyu ng lifestyle check, sinabi nito na bilang isang opisyal ng gobyerno ay bukas sa publiko ang kanyang records at kung sisilipin umano ang kanyang yaman ay wala naman syang ikinakatakot.

Nanindigan si Agra na ibinatay sa ebidensya ang desisyon nito na absweltuhin sina Akmad at Zaldy gayunpaman nasa kamay pa rin ni Judge Jocelyn Reyes na syang may hawak ng kaso ang desisyon kung palalayain ang dalawa.

Sa darating na Lunes ay nakatakdang magpalabas ng Department Order si Agra kung saan nakapaloob dito ang bagong polisiya sa paghawak ng motion for reconsideration sa resolusyon nito na nag-aabsuwelto sa dalawang miyembro ng Ampatuan, kabilang sa aabangan sa naturang order ay kung mag-iinhibit si Agra sa paghawak ng mosyon gayundin ay ang mga papalit na miyembro ng panel of prosecutors na hahawak sa kaso.

Sa kabila ng kontrobersiyang kinahaharap sinabi ni Agra na handa niya itong harapin partikular na ang disbarment case.

Show comments