P26-B 'nalustay' sa PSE
MANILA, Philippines - Inakusahan kahapon ng United Opposition si Nacionalista Party standard bearer Senador Manuel Villar na minanipula ang sistema ng “stock exchange” upang kumita ng P26 bilyon na ang P8 bilyon dito ay para gamitin sa kanyang pangangampanya sa pampanguluhang halalan.
Ito ang ibinulgar kahapon ni Senate President Juan Ponce Enrile sa pulong-balitaan sa Mandaluyong City.
Sinabi ni Enrile na isa sa mga director ng Philippine Stock Exchange ang lumapit sa kanya kung saan kinumpirm ang matagal nang umiikot na balita ng pagmanipula ni Villar gamit ang kanyang kumpanyang Vista Land and Lifescapes, Inc..
Dahil dito, nagpadala ng liham si Enrile kay PSE Chairman Hans Sicat upang kumpirmahin ang naturang ulat. Nagpadala naman ng sagot si Sicat sa kanya na minarkahan na “private and confidential”.
Natuklasan ni Enrile na isang espesyal na pulong umano ang ginawa ng PSE Board of Directors noong Hunyo 29, 2007 upang pagbigyan ang hiling ni Villar na noon ay Senate President para sa eksempsyon sa mga stock shares ng VLL sa “lock policy” ng PSE at patuloy na makapagbenta ng stock. Inakusahan ni Enrile si Villar na sinabihan ang mga miyembro ng board sa nalalaman nito ukol sa manipulasyon umano ng mga ito sa stock market.
Sinabi pa ni Enrile na noong 2007, mismong si Villar ang nagsabi sa kanya na kumita ang pagbebenta niya ng shares ng P26 bilyon kung saan P5 bilyon dito ay personal niya. Ngunit lumalabas na P8 bilyon umano ang naiuwing personal ni Villar na ginagamit nito sa pangangampanya.
Hinamon ni Enrile si Villar na sagutin nang tapat ang kanyang alegasyon dahil sa may mga sapat siyang ebidensya ukol dito at hinamon rin ang pamunuan ng PSE na linawin o kumpirmahin ang kanyang natuklasan.
- Latest
- Trending