Agra sibakin, kasuhan! - Erap
MANILA, Philippines - Mala-Leo Echegaray ang ipapataw na parusa sa mga Ampatuan ni dating pangulong Joseph Estrada kung siya pa rin ang presidente.
Reaksiyon ito ni Estrada kaugnay sa desisyon ni Department of Justice acting Secretary Alberto Agra na absweltuhin sa kasong multiple murder si Governor Zaldy Ampatuan at Vice Governor Akmad Ampatuan ng Autonomous Region of Muslim Mindanao na sangkot sa Maguindanao massacre na naganap noong isang taon.
Matatandaang si Echegaray ay nahatulan ng bitay sa kasong panggagahasa sa sarili nitong anak.
Ipinunto ni Atty. Ralph Calinisan, tagapagsalita ng Puwersa ng Masang Pilipino na pinamumunuan ni Estrada,
na tanging si Erap ang nagpakita ng ‘political will’ na ipatupad ang batas. Sa kabila ng malakas na pagtutol noon ng ilang sektor ng lipunan, inutos ni Estrada ang pag-lethal injection kay Echegaray noong Pebrero 5, 1999.
“Kung ako ang presidente, hindi lang sibak, bagkus kakasuhan ko pa si Agra,” pagtitiyak ng dating pangulo sa panayam ng media
Ayon kay Erap, hindi sapat na itinanggi ng Malacanang na may kinalaman ito sa desisyon ni Agra at inutos ni Pang. Macapagal Arroyo ang ‘review’ sa desisyon nito.
Natitiyak niyang may kinalaman si Pangulong Arroyo sa desisyon ng DOJ. “Bilang naging dating pangulo, hindi gagawin ng isang Cabinet member ang magdesisyon lalo na tungkol sa isang napakahalagang isyu na hindi nalalaman ng pangulo. Totoo ’yan, ipapuputol ko daliri ko,” aniya pa.
Siniguro naman ni Erap na ang pagbalasa sa sistema ng hustisya at pagbabalik dito ng tiwala ng mamamayan ang isa sa magiging prayoridad niya sa unang 100 araw ng kanyang administrasyon sakaling makabalik sa Malacanang pagkatapos ng halalan.
“Mawawakasan na ang mga araw ng mga tiwaling prosecutor at mahistrado na nagbebenta ng mga desisyong pabor sa mayayaman o maimpluwensyang suspek. Titiyakin ng kanyang (Estrada) administrasyon na babalik ang pangingibabaw ng batas,” sabi pa ni Calinisan.
- Latest
- Trending