MANILA, Philippines - Nagsimula na umanong makatanggap ng mga death threats si Batangas Governor Vilma Santos-Recto.
Subalit sa halip na manahimik, hinamon ni Recto ang kampo ni ex-Batangas Governor Armand Sanchez na lumaban nang parehas at tigilan na ang pagbabanta sa pamamagitan ng tawag sa telepono at text messages sa kanya at kanyang mga supporters.
Ang popular na gobernador ay tumatakbo for re-election upang isulong ang programang pangkabuhayan sa lalawigan.
“Ngunit hindi lamang ito labanan sa pagka-gobernador. Ito ay pagtutunggali ng kabutihan at kasamaan,” sabi ni Gov. Vi.
Si Governor Vi at kanyang mga coordinators at supporters ay nakatanggap ng maraming “death threats” sa telepono at sa pamamagitan ng cellphone text messages.
“Hindi pala mahalaga ang buhay sa’yo puwes pagbibigyan ka namin… Ikaw ang uunahin namin!” sabi ng isa sa mga text messages kay Governor Vi mula sa isang unlisted cellphone number.
“Napakalalim ng boses ng isa pang tumawag sa akin at nagsabing tumigil na ako sa pangangampanya pero hindi ako titigil kahit may inihanda na silang kabaong para sa akin. Nagkakamali sila ng kinakalaban,” sabi pa ng gobernadora.
Isang kawani sa Governor’s Office ang nakatanggap ng bomb threat dahil sa pangangampanya para kay Governor Vi at tinakot pang idadamay ang buong pamilya niya.
Si Sanchez ay tumatakbong gobernador at ang kanyang running-mate ay si Edwin Ermita, anak ni former-executive secretary Eduardo Ermita.